Monday, December 10, 2012

Ang PASSION para sa akin

Naghahanap ka ba ng motivation sa buhay mo bilang estudyante? Ako kasi oo. Sa buong buhay ko wala akong ginawa kundi humarap lang sa computer ko at i-entertain ang sarili kahit may mga bagay akong dapat gawin. Tangina! Ano bang meron sakin at ang tamad kong tao?

Sa kabila ng mga bagay na walang katuturan, napadaan ako sa isang youtube video na tila binigyang liwanag ang bulag kong pag-iisip... Motivation "art" video ang itsura, pag sinearch mo yung keyword na "motivation" sa Youtube, yun siguro yung pinakamalapit na resulta. Pinaka gusto kong mensahe ng video na to ay yung "Passion"...

Kapag sinabing passion, ang unang kong naiisip ay yung kagandahan ng suot ng isang tao. De joke lang! Para sakin, pag sinabing "Passion" pumapasok sa isip ko ay kasiyahan. Logical naman di ba? Passion is equal to happiness, pero sa pagkakataong ito wala akong idea kung special case ba to sakin o ito din ang iniisip ng bawat tao sa mundo.

Para kasi sakin, kapag ginagawa mo ang isang bagay na nakakaramdam ka ng saya.. Passion yan!

Kapag nakikita mo ang sarili mong gagawin mo habang buhay ang isang bagay and yet tila hindi ka nagsasawa.. Passion yan!

Isang bagay na kahit tumabasan ng pera (unless yung passion mo is about money) ay wala kang pakialam.. Passion yan!

Madami pang meaning para sakin ang Passion, kaso may isa lang akong tanong at baka kayo din naitanong na to: "Eh, ano ba Passion ko?"

Tangina ko pala eh, wala kong Passion tapos kwento ako ng kwento about sa Passion! Passion ko siguro mag-intay ng passion ko. Ewan! Hassle... Pero habang nasa gitna ako ng paghahanap ko, I looked back at the things I did. Inisip ko kung saan ako masaya at sa aking daydream may napatunayan ako.


Hindi pala dapat ako naghahanap ng PASSION, dapat pala KASIPAGAN ang hinanap ko... dahil hinding hindi mo makikita ang PASSION mo hanggat hindi mo hinahakbang ang mga paa mo. Di mo naman pwedeng i-utos sa nakababata mong kapatid ang mga ganitong bagay, o kahit kanino man sa mundo.


Do what you need you do! Kung naghahanap ka ng isang bagay, na masaya mong gagawin habambuhay, aba, magsipag-sipag ka. Walang bayad ang katamaran ng tao kada oras, at wala kang mararating kung habambuhay kang mag-iisip at hindi gagawa. Alam kong hindi mo alam kung saan mag-sisimula, kahit ako din eh. Pero alam mo dapat ngayon pa lang na kailangan mo ng simulan!

Payo ko lang, madaming tao sa mundo, hindi lang ikaw! Magtanong ka, manood ka at higit sa lahat matuto ka sa lahat ng bagay na napagdaan at mapagdadaanan mo.

Dahil sa vocabulary ko, ganito naka define ang PASSION:

PASSION = HAPPINESS = DREAM;
DREAM = GOAL;
GOAL = HARD WORK;

HARD WORK != (TAMAD) YOU;

but

HARDWORK = (SIPAG) YOU;

Note: "!=" denotes not equal.















Sunday, September 30, 2012

Tales from the FAILED Zone.


Isa akong 3rd-year student ng College of Computer Studies sa De La Salle University... (Wala lang para malaman niyo na teknikal ang kurso ko, at para mabigyan ang mga nagnanais mag-aral sa DLSU ng Comsci ng ideya kung anong meron sa College namin.)

Naranasan mo na bang bumagsak? Malamang noong highschool hindi pa, pero ngayong college kamusta? Di na halos bihirang marinig sa college natin ang mga salitang “ilan bagsak mo?” tuwing grade consultation day. Tanong ko lang, bakit nga ba bumabagsak ang isang college student?

Isa-isahin natin ang mga dahilan:

(Ang mga nakalista ay hango sa survey na imbento ko lang.)

1.) Mahirap na subject
“Wala sana akong bagsak ngayon kung hindi lang mahirap yung subject”, ika nga nila. Base sa sarili kong opinion ay meron ngang mga subjects na di kakayanin ng utak ng isang normal na tao, pero natanggap na nga ba natin na college students na tayo bago tayo magsabing mahirap ang isang subject? Katoto! sa totoo lang nararapat satin lahat ng subject natin. Magbabayad naman ba ng roughly 60K/sem kung ang goal lang ng college natin ay ubusin yang brain cells mo? At papasok ka naman ba sa DLSU para lang sa “nap time” and “snack time” mo?

2.) Nakakawala ng Social Life ang pag-aaral
Pag ako nakahanap ng taong nag-aaral ng 24-hours a day and 7 days a week (minus sleep time) para lang maka-uno sa subject niya, saka ko masasabing nakakawala nga ng social life tong ginagawa natin. Payong kaibigan, maghanap ka ng kaibigan. Ang kaibigan kasi, isa sa mga dahilan kung bakit ka mag-aaral at magkakaroon ng social life. Una, nagsisilbing mga motivators ang mga tunay na kaibigan kasi di ka nila hahayaang mawala sa tamang landas. Ikalawa, kausapin mo sila madami dami kayong mapag-uusapan dahil pare-parehas kayo ng pinagdadaanan. Oh di ba? Double purpose!

3.) Terror professors (?)
Lilinawin ko lang kung bakit may “question mark” yung ikatlo. Ito ay sa kadihalang hindi ko talaga alam kung totoo o hindi ang alamat ng mga terror professors. Bago niyo ko husgahan, napagdaanan ko na si Ms. Anita Ong, isang allegedly terror math professor. Ang masasabi ko lang… reasonable, dahil na din sa may natutunan ako sa kanya, sa totoo lang mas may natututunan ako sa mga “terror” profs kesa sa mga “chill” profs.

4.) Unfair Grading (?)
Kaya naman ako may “question mark” dito sa ika-apat ay kaparehas lang doon sa ikatlo, hindi ko din sure kung nag eexist ang ganitong myths sa DLSU. Reputable po ang Alma Mater natin, sino naman magbibigay karapatan sa mga ganitong klaseng professors na magturo sa loob ng La Salle? Wala di ba? At kung mayroon man, kaya nga po tayo may tinatawag na “grievance” para ireklamo ang nararapat, itanong niyo pa USG. At sa mga nagsasabing balewala ito, aba! itanong niyo ulit sa USG natin kung bakit.


5.) Procrastination
Isa na siguro ako sa mga na-survey ko, na katamaran ang sinagot sa mga dahilan kung bakit bumabagsak ang mga estudyante. Galing sa isang tamad na tao, itong “sakit” na to ay wala ng lunas … maliban sa self-discipline at effective time management. Kung nag-aaral ka na lang ng, OPERSYS imbes na tumitingin ka ng bagong post sa 9gag, malamang maging DL ka pa ngayong term. At kung gumagawa ka ng effective time schedule imbes na gumuguhit ka ng kung anu-anong mga bagay dyan sa likod ng notes mo, malamang bago ang deadline ng MPs ay tapos ka na.

Huwag kayo magkakamali, hindi ako 4.0 student, hindi din ako consistent DL at lalong hinding hindi ako candidate for honors, isa lamang po akong normal na college student na bumabagsak sa quizzes, pumapasok ng late at naghahabol ng deadlines gaya ng nakararami sa atin. Masasabi kong napagdaanan at narinig ko na lahat ng naisulat ko. Ninanais ko lang, malaman niyo ang mali at kung maari ay makuha ninyo ang tama sa mga napagdaanan na ng upper-batch niyo sa CCS. Nasa mga sarili niyo na ngayon ang desisyon sa kinabukasan niyo.

Nakakita na ako ng mga taong nagmula na sa “Failed Zone” at ngayon nakikita ko pa din sila, nagsusumikap makamit ang natatanging dahilan kung bakit tayo naririto sa CCS, at ito ay ang ating graduation gift.

Tuesday, September 18, 2012

Sulatin sa pagsulat

Naranasan mo na bang sumulat o gumuhit?

Yung tipong, namumulaklak sa inspirasyon yang utak mo.
Yung tipong, bumubuo ng storya yang utak mo na ikaw lang ang makakapaglathala.
Yung tipong, iisang tao lang laman ng isip mo nung sinusulat mo yung sulatin.
Yung, tipong sobrang saya mo pag natapos mo at napatungan na ng tono yang lyrics.

So, ano ang point ko? Sa akin lang,
hindi lahat ng bagay masasabi mo
hindi lahat ng bagay ma iiexpress mo sa personal
hindi lahat ng bagay maipapakita mo sa ibang tao
at hindi lahat ng iniisip mo nangyayari sa totoong buhay. (BOOM!)

Pero paniwalaan mo ko, lahat ng bagay maisusulat mo. Bakit?

Kasi para sa akin, isang malaking mundo ang ginagalawan ko oras na pahawakin mo ko ng lapis at papel. Nakakagawa tayo ng isang perpektong mundong malamang ay na-aapreciate din ng ibang tao.
Naihahandog natin sa ibang tao ang kagandahan ng mundong ating "binigyang buhay" gamit lamang ang mga salita.
Naipapakilala ang ating sarili sa mga taong hindi natin kilala o makikilala man.

Korny man marinig pero, lahat ng bagay na sinulat ko dito ay tinitibok ng puso ko at sinisigaw ng utak ko. Madami akong natututunan kapag ako ay nakakabasa, nais ko naman ihandog ang mga natutunan ko sa iba sa pamamagitan ng pag-sulat tungkol sa pagsusulat (Labo!).

Pero sana lang, isang malaking sulatin na lang ang mundo, para kahit papaano, lahat ng mali na mayroon ito ay nalalaman ng tao, at kung ang mundo ay magiging sulatin ... lahat sana ng mali dito ay hindi totoo.

Friday, September 7, 2012

Pinalaking maliit

Habang ako'y naghuhugas ng pinggan, nakakita ako ng dumi sa pinggan na pilit kong tinatanggal. Isang pinggang sobrang puti, kaya ako nagtaka kung bakit may sobrang pangit na dumi. Nung kinukuskos ko na ay aking nakita na hindi pala dumi ang tinatanggal ko, disenyo pala ng plato ang inakala kong dumi. Dito, may narealize ako, isang realization na sobrang tindi naisipan kong magsulat ng blog.

Image provided by imagehack, walang akong gustong labagin na copyright infringement at lalong ayokong magplagiarize. Pero ang cute kasi ni Angel dito eh. :">


May mga bagay na pag inover read mo, ay exaggerated life lesson na ang labas. Pero sa pagkakataong ito, hindi ako sabog o lasing (Pramis!), nakita ko na minsan ang mga problema sa buhay ng isang tao ay siyang nag huhubog sa pagkatao niya. Ang problema lang naman sa ibang tao ay ang kawalang saysay na pagbigay nila ng solusyon sa problema nila. Basta matapos lang ang problema, ayan ako, ayan tayo! Mag fifinals ng half baked ang pinag-aralan, gagawa ng paper na hindi nag poproofread, kakain ng hindi hinuhugasan ang pinagkainan at papasok ng class at lalabas ng walang alam. Binibigyan tayo ng Diyos ng pagkakataong iimprove ang katauhan sa pagbibigay niya ng problema sa atin (Labo no? Wait lang may explanation ako) dahil kung walang problema ang tao, wala tayong pinagkaiba sa bawat isa. Hindi lahat ng tao pare-parehas ng pinagdadaanan at  ang pinagdaanan natin ay ang pagkakilanlan bilang isang tao. "Experiences define a person." sabi ng isang taong hindi ko kilala. At ako, ewan ko sa inyo ah, pero ako, bawat problema na aking nadaanan ay may baon akong aral na habambuhay ko dadalhin. Here are the following shits that I've been through:

1.) Napaso ng mainit na kape


-Lesson learned: Magintay ka lang, hindi lahat ng mainit dapat mong makuha may tamang pagkakataon lahat ng bagay. (at totoo nga, mas masarap nga ang iced coffee!) Di porket uso ang S3 ay bibili ka na. Napagisip-isip ko lang din na kung talagang gusto mo ang isang bagay, gagawin mo ang lahat makuha lang ito, mawala ka man sa uso.

2.) Nabasted 


-Lesson learned: WALA. De joke, meron naman. Narealize ko dito kung gaano kasakit mabasted tsaka kung gaano kasaya matanggap na makita ang minahal mo sa piling ng nagpapasaya sa kanya. Yun naman talaga ginusto mo kung bakit mo niligawan di ba? Makitang masaya siya. Nagkataon lang hindi mo kaya yon at kaya ng iba. Pagtapos ng pagtanggap, kung sinuwerte ka, ay matutunan mo din rumespeto. 2 life-lessons in 1 problem? SAN KA PA!

3.) Bumagsak sa Quiz 


-Lesson Learned: Natuto ako magsabi dito ng "Ang bobo ko naman!" which is totoo naman ata, therefore I learned the value of being honest. Dito ko din naisip na kung sino ang nagsisikap (mag-aral) sila lang ang papasa (excluded syempre ang mga cheaters), parang sa buhay.. kung sino ang may ginagawa para ma-iangat ang buhay nila, sila lang ang aangat pinagkaiba lang walang dugaan sa tunay na buhay, diskarte lang.

4.) Maubusan ng pera 


-Lesson learned: Kailangan ko ng mas maliit na wallet di ko mapuno yung akin eh. At isa pa pala! Lahat ng bagay na mayroon ka, nasisira. Unless, marunong kang magpahalaga, edi siguradong magtatagal ang bagay na pinahalagahan mo. Di lang bagay ang nawawala pag hindi mo pinahalagahan. Relasyon, pag-ibig, kaalaman, buong pagkatao mo na lang din, iilan lang yan sa mga nawawala kapag hindi nabigyang halaga.

5.) Maubusan ng ulam 


-Lesson learned: Di lahat ng bagay maghihintay sa'yo. Matuto tayong umuwi ng maaga! Magpasa ng project ng maaga para di maubusan ng grade! Matuto sa buhay ng maaga para di maubusan ng panahon! Mag-invest sa stock market ng maaga para lumaki na agad ang puhunan! at Uminom ng gatas sa umaga para tumangkad!

6.) Matrapik sa daan 


-Lesson learned: Natuto ako dito kung gaano kahalaga ng earphones ko sa akin. Dahil sa hinayupak na trapik na yan natuto akong mag-isip ng mga bagay na hindi ko naman naiisip kapag ako'y nag eexam. Naisip ko na paano kaya ang buhay kung walang trapik? Paano ang buhay kung maunlad ang Pilipinas? Paano ang buhay kung hindi nagplagiarize si Tito Sotto sa isang blogger? Natutunan ko kung paano mag-isip, bigyang ideya ang sarili ko. Lagi niyong tatandaan, Ang Henry Sy Hall ng DLSU ay nagsimula yan sa isang idea.

7.) Mawalan ng Internet 


-Lesson learned: Kumawala. Natuto akong kumawala sa mga bagay na nakasanayan ko. Try niyo! Masaya kaya ng sobra. Lalo na sa mga 90's kids dyan, maaalala niyo pagkabata niyo. Yung mga pagkakataong walang Internet sa bahay, lahat ng bata nasa labas ng bahay nila naghahanap ng kalaro o kaya kalaban sa teks. Natuto ako mag reminisce at kung gaano kasaya balikan at ilatag muli ang banig ng ala-ala.

Hanggang seven lang muna, swerte kasi ng seven eh. So ayan, inyo ng nakita ang mga maliit na problema maaring magbigay ng malaking aral sa buhay. Di ko naman sinasabing maging OC kayo sa bawat problemang dadarating sa buhay niyo at gawan niyo din ng blog gaya nito. Nais ko lang makita na ang bawat tao may pagpapahalaga sa mga pinagdaanan nila, concern lang naman ako sa pagkatao niyo. Kaya kung nasayang ang oras niyo sa pagbasa nito. Pasensya na, tao lang din akong namomoblema kung paano ko tatapusin ang sulating ito.